Nakakahiya man aminin pero isa ako sa mga kabataang tumayo at nag-akalang lumaban para sa pagbabago noong #EDSADos. Ito yung mga panahon na kung saan naghangad ako maging isang instrumento ng pagbabago sa pamamagitan ng pagpapatalsik kay Dating Pangulong Estrada na noo’y dumadaan sa isang paglilitis ukol sa kanyang “questionable bank accounts”.

Hindi kami naging marahas. At tulad ng mga millennials, kami ay nagtungo sa EDSA at nagpakita ng aming kagustuhang pagbabago. Naniniwala kami noon na tama na ang isang Marcos. Ayaw na namin ng isa pang pangulo na nanakawan ang kaban ng bayan. At tulad ninyo, tuwang-tuwa ang mga nagorganisa at ang mga poltiko sa amin noong mga panahong iyon.

“We know our history and we do not want it repeated in any way.”

Yan ang pag-iisip naming noon at sabi nga… #NeverForget.

Pero makalipas ang ilang taon at matapos kong panoorin sa telebisyon ang inyong pagtitipon noong “Bonifacio Day”, napaisip ako – ano na nga ba ang nangyari sa pinaglaban ko noon sa EDSA?

Hmm… alam mo ba na si Estrada ay muling tumakbo sa pagka-Pangulo noong 2000 at pumangalawa sa laban nila ni PNoy? At ngayon ay Mayor na ulit ng Maynila. #WTF!

At eto pa… yung iniluklok namin noon na si Dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nakasuhan din matapos ang kanyang termino. Buti na lang napawalang sala ng hukuman dahil, kung hindi, #TaenaNaLang – #nganga ang tawag sa EDSA Dos.

Akala ko ba #DontTellUsToMoveOn? E mukhang may mga nauna na yatang nag-#MoveOn. Akala ko ba “we value our history” pero bakit nagkaganoon?

Kaya nga nung mapanood ko ang mga nagtipon-tipon sa People Power Monument, kasama ang mga millennials ay napailing ako at naisipan kong isulat ito. Gusto ko magbigay ng payo sa mga millennials. Isang payo mula sa alumnus ng EDSA Dos, you know, #BeenThereDoneThat.

Marami sa inyo and lumabas ng biglaang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Wala naman masama doon dahil ikinagulat ng lahat ang pangyayaring iyon. Pero nang lumabas kayo at biglang may #NoToTheMarcoses na placard at nag-astang “history experts” ay medyo nag-alangan ako sa paninindigan ninyo.

Bakit?

Ayaw ninyo sa mga Marcos pero nasaan ba ang pamilyang Marcos sa mga panahong ito? Hindi ba’t nakabalik na sila sa politika. Kung susuriin natin ang ating kasaysayan, mga ilang taon na po silang nakupo sa iba’t-ibang pwesto sa gobyerno – mayroong senador, may gobernador, at may kongresista. Hindi nga ba’t tumakbo pa si Bong Bong Marcos bilang Bise Presidente noong nakaraang eleksyon? At aminin mo na kinilig ka noong una mong nakita si Sandro.

Nasaan kayo ng mga panahong iyon? Bakit hindi kayo nagtungo sa EDSA noon at nagrally? Bakit hindi ninyo nilabas ang #NotAgain placards ninyo?

Nasaan ang #NeverAgain ng mga panahong iyon?

Ang panindigan ay hindi lumalabas sa isang pagkakataon lamang. Dapat sa umpisa pa lang pinakita na ninyo ang pagkakahindik ninyo sa pamilyang Marcos at hindi ngayon lang. Lumipas ang kanilang termino at ang eleksyon, ni kaluskos ay walang narinig sa inyo. Bakit ngayon lang? #NoonPaLangDapatNanindiganKaNa

“The dead Marcos cannot do us any harm, it is the living that we should be mindful.”

Sabi ninyo – “we know our history”. Totoo yan. Lahat naman tayo alam ang ating kasaysayan. Ang tanong na kailangang pagtuonan ng pansin – naiintindihan mo ba? Marami sa inyo ang magsasabing naiintindihan nila pero ang totoo mas nakakararami ang hindi. Marami sa inyo ang mababaw ang pagkakakilanlan sa mga kaganapan ng Martial Law. Malamang karamihan sa mga kaalaman ninyo ay nakuha ninyo sa mga nabasa ninyo sa Facebook, sa Twitter, o kaya sa mga sinasabi sa inyo ngayon lang. Marami sa inyo ang aalma sa sinabi kong ito.

Sige #Prangkahan… ilang libro na patungkol sa Martial Law ang nabasa mo na? Nabasa mo na ba ng librong “Dekada Sitenta”? “Maynila Sa Kuko ng Liwanag”? Ilang Martial Law movies na ba ng napanood mo na hindi ni-require ng prof mo?

“With passion comes the desire to learn and find out the real story behind the curtain”

Nakakatuwang makita kayong naninindigan pero kelangan ninyong maging mapanuri sa mga kaisipang nilalatag sa inyo. Mula sa paaralan ay nahuhubog kayo at ngayon pa lang ay nakikitaan na hitik kayo sa ideyalismo.

Ngunit mayroong mga tao sa lipunan na pagtatangkaang gamitin ang inyong “idealism” para sa kanilang sariling pang-interes. Mabilis kayo mag-alab at mabilis kayong pagalawin. Masabihan lang kayo ng katagang “you are the future of these nation”, tiyak mapapalakad kayo ng EDSA, mula Monumento hanggang MOA.

Huwag kang mag-alala… nauto rin ako niyan. Naaalala ko pang sinabihan ko ang aking ina, na nasa Estados Unidos ng sumiklab ang EDSA Dos, ang mga katagang… “I am doing this for myself and for my country.” #Naknampucha… natatawa ako sa sarili ko ngayon. Nauwi din sa wala ang lahat ng pinagtatatayo ko sa EDSA noon. Ang pinatalsik at ang pumalit ay nakapag-move on na at malamang #BeshiesForever pa.

Taena… pinagloloko lang nila ako noon at sinama pa ako sa drama.

Simple lang naman ang gusto ko sabihin – bago ka lumabas sa EDSA at gumawa ng cute mong #StatementPlacard, alamin mong maigi kung ano ba talaga ang pinaglalaban ninyo, magsaliksik ng husto, huwag umasa sa impormasyon na pinipilit sa inyo, alamin ang totoong pakay ng pagtitipon, at kung sang-ayon ka dito. At gaya ng una kong sinabi sa post ko sa Facebook, alamin mo din kung anong ginagawang hakbang, na naaayon sa batas, ng nag-oorganisa para ayusin ang problema… yung sila ang gumagawa at hindi inaasa sa iba.

Dahil kung puro rally lang ang pinag-gagagawa nila… #Nakupo… nag-iingay lang ang mga yan.

Oo nga pala… mom, sorry. Sana nakinig na lang pala ako sayo noon para hindi ako nagmukhang tanga. Ang kaibahan lang ng EDSA Dos sa ngayon ay mas marami kami noon.

#MasMaramiKamingNatangaKayaMagIngatKa

Advertisements