Just another WordPress.com site

Monthly Archives: May 2015

Ilang lingo na lang at matatapos na ang panahon ng tag-init dito sa Pilipinas. Marahil maraming mga Pinoy ang nagkukumahog na makapag-beach sa mga susunod na araw para habulin ang pagkakataon na makapamasyal. Para sa isang katulad ko na mahilig magbyahe, isa sa inaabangan kong panahon ay ang “summer” ng Pilipinas dahil ito ang panahon na mainam makapag-ikot sa iba’t-ibang lugar ng bansa.

Sa katunayan, isa ako sa mga taong bumuo ng grupo sa Instagram na tinawag naming @viajerongpinoy. Sa una ang layunin namin ay ang maipakita ang ganda ng Pilipinas mula sa mga kuhang litrato ng aming tagasunod ngunit kalaunan ay naging isang pagkakataon upang makapagbyahe sa isang “tourist spot” ng Pilipinas kasama ang mga kapwa naming “viajero”. Sa ganitong paraan ay nagagawa rin naming maipakita ang ganda ng lugar at naibabahagi rin naming an gaming karanasan sa pagpunta sa lugar.

Kamakailan lamang ay sama-sama kaming nagtungo sa Calaguas sa Camarines Norte. Habang ang karamihan sa mga taga-Maynila ay naghahandang tumungo sa Boracay, minabuti namin ang mas “tahimik” na lugar ng Mahabang Buhangin na sinasabing mistulang Boracay noong dekada 80s. Ngunit sa aming pagdating sa lugar ay bumungad sa amin ang dami ng mga turista ng paraisong ito sa may Bikol. Padaong pa lamang ang banka namin ay kita na ang dami ng “tents” malapit sa dalampasigan. Nahirapan kaming kumuha ng maayos na lugar na matatambayan sa dami ng turista sa lugar. Para sa akin, mas nakakabigat ng loob ang makita mo ang dami ng basurang nakakalat sa lugar dahil sa mga iresponsableng mga turista. Sa katunayan, nung kami ay pauwi na at kausap ko ang mga taong taga-doon ay hindi ko napigilan na bigyan sila ng “lecture” sa pagpapahalaga ng lugar nila.

Kung tutuusin ang mga ganitong isyu sa turismo ay isa sa mga napagusapan sa balita at ng mga “netizens”. Sa usapan ng pagdagsa ng tao sa Sagada matapos maipalabas ang pelikulang “That Thing Called Tadhana”, maraming nagsabi na ang hindi pagrespeto ng mga turista sa kalikasan at local na kaugalian ay hindi nagdulot ng maganda sa kanilang komunidad. Hindi mo sila masisi matapos nilang magligpit ng sangkatutak na basura sa Kiltepan Point dahil sa mga iresponsableng turista.

Isa pa sa mga dinadayo ngayon at pinag-uusapan ay ang “Sitio La Presa” sa Benguet. Naaalala ko pa noon, mga isang taon bago ito pinasikat ng isang teleserye na naniniwala sa “forever”, kung paano ito dayuhin ng mga mangilan-ngilan lamang at isa ang aming grupo sa mga mapalad na nakita ito sa taglay nitong ganda. Mga taniman ng “brocolli” at iba pang gulay ang makikita mong nakahilera sa gilid ng bundok. Ngunit ngayon, ang mga taniman ay napalitan na ng trapal ng kulay bughaw – mga takip ng mga tindahan ng “souvenir”. Ang mga dumadayo ay hindi mo na mabibilang. Ngayon lahat ng turista sa Baguio, ang bukang-bibig ay “La Presa”.

May ilang natutuwa sa perang dala ng turismo sa mga lugar na ito ngunit mas nakararami ang nababahala sa mga problema na maaring idulot nito. Kung ating susuriin, sino nga ba dapat ang mas kailangang manguna sa pagsasa-ayos ng mga isyung ito? Kasalanan ba ng grupo na nagpasikat sa lugar na ito ang mga problemang dala ng pagdagsa ng tao? Kasalanan ba ng mga taong na-engganyong puntahan yung lugar? O kasalanan ba ng lokal na pamahalaan ang hindi maagap na pagtugon sa mga isyu na dala ng pagsikat ng kanilang lugar?

Sa aking karanasan sa paglalakbay, masasabi ko na hindi maiiwasan makilala ang mga magagandang lugar sa anumang sulok ng mundo maliban na lang kung ito ay pribado at pilit na itinatago ng mga may-ari nito. Naalala ko nga nung kami ay nasa Calaguas, dalawa sa aming kasamahan ang hindi nasiyahan sa kanilang nakita dahil sa mga pagbabago mula ng una nilang bisitahin ang lugar. Nabanggit ko nga noon sa kasamahan ko na hindi natin maiiwasan na makilala at puntahan ng tao ang Calaguas. Sa pagdami ng mga “social apps”, ang mga paraisong tulad ng Mahabang Buhangin ay hindi na maitatago. Ito ay makikilala at dadayuhin. Kung babalikan namin, nalaman naming ang Calaguas dahil din sa mga kasama naming viajeros na nakapunta na.

Kung susundan ko ang kaisipang ito, hindi natin maaaring isisi sa mga grupo na nagpapakilala sa mga lugar na ito ang mga problemang dala ng pagdami ng turista. Kailangan natin ipakilala ang mga lugar na ito dahil naniniwala ako na isa sa mga industriya na kailangan natin palakasin ay ang sector ng turismo. Ang pagpapakilala sa Sagada at Tuba sa “mainstream” ay hindi maiiwasan, marahil, ay napabilis lang ang proseso ng pagpapakilala dahil sa lawak ng paraan kung paano ito pinakilala – sa telebisyon at pelikula.

Ngunit hindi natin maikakaila na sa pagpapakilala ng mga lugar ito sa nakararami, ang pagdagsa ng tao ay nagpakita ng kahinaan ng lokal na pamahalaan para tugunan ang mga isyu na kaakibat nito. Kulang sa tamang pagplaplano at paghahanda na mainam na sagot sana sa paglawak ng interes sa kanilang lugar. Ang lokal na pamahalaan ang dapat mamuno kung paano ang tamang tugon sa pagpasok ng mga turista sa kanilang lugar.

Kung babalikan ko ang Calaguas, mainam sana kung ang mga banka na naghahatid sa turista sa Mahabang Buhangin ay lugar lamang kung saan sila maaring dumaong. Ito ay para may kaayusan sa isla at hindi magmukhang palengke ang tabing-dagat. Nahirapan kami humanap ng lugar kung saan kami makakalangoy dahil sa mga banka na nasa pampang. Maganda ito para sa kaayusan at kaligtasan ng mga dumadayo dito.

Marahil ay dapat mas naging mahigpit ang pamahalaan ng Tuba sa mga taong nais kumita mula sa mga turista ng “Sitio La Presa”. Nagkaroon ng tamang lugar kung saan sila maaring magtayo ng tindahan para napanatili nila ang ganda ng lugar ng Sto. Tomas at hindi yung parang kabute na tinayo ang mga tindahan na siyang nakasira sa kagandahan ng lugar.

Nararapat lang na pangunahan ng lokal na gobyerno ang pag-aaral at pagtupad ng mga panuntunan kung paano mapapanatili ang kagandahan ng kanilang lugar habang nakapagbibigay ito ng hanapbuhay sa lokal na komunidad. Kailangan manguna ang gobyerno sa pagturo ng tamang paraan para sa isang programang “sustainable tourism” na mas mainam para sa pangmatagalang benepisyo ng turismo sa komunidad na kinabibilangan nito.

Higit sa lahat, kinakailangan ang pagpapalaganap ng tamang kaalaman at impormasyon sa mga dumadayo sa lugar na ito at malaki ang ginagampanan ng lokal na pamahalaan sa prosesong ito. Ang lokal na komunidad ang dapat nagsasaayos ng mga patakaran sa kanilang lugar na siyang gagabay sa mga turistang dumadayo sa kanilang lugar. Kung kailangan na kontrolin ang bilang ng mga taong bumibisita sa KIltepan Point, mas nararapat na ipatupad yun para mapanatili ang ganda nito.

Sa lahat ng ito, malaki ang magagawa ng lokal na komunidad, lokal na pamahalaan, at ng mga turista para sa isang “sustainable tourism” ng isang lugar. Ngunit, malaki rin ang ginagampanang papel ng lokal na pamahalaan sa pagplano at pagpapatupad ng mga panuntuang panturismo sa kanilang komunidad.

Advertisements